COTABATO CITY — Dalawang katao ang nasawi habang tatlo naman ang sugatan matapos sumiklab ang hinihinalang rido o away ng mga angkan sa Rajah Buayan, Maguindanao del Sur nitong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sangkot sa insidente ang magkalabang grupo na pinamumunuan ng isang alyas “Bontok” at ni dating Barangay Panadtaban chairperson Norodin Utto.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jeboy Balutintik at King Utto, na kapwa miyembro ng grupo ni Norodin Utto. Sugatan naman ang tatlong miyembro ng grupo ni Bontok.
Batay sa ulat ng Rajah Buayan police, sakay ng sasakyan ang grupo ni Bontok at binabagtas ang isang barangay road sa Barangay Panadtaban nang umano’y tambangan ng mga tauhan ni Utto.
Gumanti ng putok ang inatakeng grupo na nauwi sa palitan ng bala na tumagal ng halos limang minuto. Lahat ng sangkot sa insidente ay residente ng Barangay Panadtaban.
Agad na rumesponde ang mga pulis at sundalo upang paghiwalayin ang magkabilang panig at tiyakin ang seguridad sa lugar. Dinala naman sa ospital ang mga sugatan para sa gamutan.
Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ang nasa 40 basyo ng bala ng iba’t ibang kalibre.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo ng pag-atake, bagama’t hinihinalang may kaugnayan ito sa matagal nang alitan ng dalawang angkan. Mary Anne Sapico