COTABATO- PATAY ang dalawang katao habang sugatan ang tatlo kabilang ang dalawang sundalo matapos ang walang habas na pamamaril ng hindi pa kilalang armadong kalalakihan, kaninang hatinggabi, Oktubre 20 sa bayan ng Mlang.
Kinilala ang mga nasawi na sina Romnick Villarom Reyes, 28 anyos, residente ng Purok Masinulundon at Rosinda Jordan Macailing, 35, residente ng Bagontapay, Mlang, Cotabato.
Sugatan naman sina Jomer Lumugda Nietes, 35 anyos, may asawa, residente ng Purok Kaunlaran, Bagontapay, at sundalo na sina Gilbert Dasig, 30 anyos, na residente ng Matalam Cotabato, Rollen Jay Duron, 27 anyos, na residente ng Barangay Kalandagan, Tacurong City.
Batay sa report ng Mlang Municipal Police Station, bandang 12:05 naganap ang pamamaril sa harap ng pamilihang bayan sa Purok Kaunlaran, Barangay Bagontapay, ng nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng live band sa naturang lugar nang bigla na lamang sumulpot ang mga armadong suspek at nagpakawala ng bala mula sa matataas na kalibre ng armas.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na agad naman dinala sa ospital para lapatan ng lunas subalit nalagutan din ng hininga ang dalawa.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng 7 basyo mula sa .45 kalibre na baril, 4 na fired cartridge ng cal. 9mm at 3 bala ng kalibre .45.
Kasalukuyang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga Cotabato-PNP laban sa mga suspek na mabilis na nakatakas at inaalam na rin ang motibo sa krimen. Mary Anne Sapico