MANILA, Philippines – DALAWA ang kumpirmadong nasawi habang pito (7) ang nasugatan sa naganap na vehicular accident na kinasasangkutan ng tatlong sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong umaga Linggo, Abril 13.
Ayon sa mga otoridad ang mga nasawi, ay mga pasahero ng isang jeepney, na kinumpirma ng mga rumesponde mula sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Nabatid na agad naman isinugod sa ospital ang pitong nasugatan.
Sinabi pa sa ulat na ang aksidente ay kinasasangkutan ng isang tradisyunal na pampasaherong jeep na bumibiyahe sa rutang Jordan Plains-Philcoa gayundin ang isang sedan at isang e-jeep.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bago mag-alas-7:00 ng umaga sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue patungong Fairview, sa kabila ng Commonwealth Market.
Samantala, bahagyang bumagal ang daloy ng trapiko sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue pagkatapos ng Sandiganbayan dahil dalawang lane ang inookupahan ng mga sasakyang nasangkot sa aksidente.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng pampasaherong jeepney na sangkot sa aksidente. Santi Celario