MANILA, Philippines – Hindi na kailangang ilagay sa “red category” o areas with serious armed threats ang bayan ng Albuera sa Leyte matapos mabaril ang confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa campaign rally noong Huwebes, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi na kailangang itaas ang klasipikasyon dahil natukoy na ng Philippine National Police ang mga posibleng suspek sa likod ng pamamaril.
Ayon sa PNP, binaril si Espinosa sa gymnasium sa Barangay Tinag-an bandang alas 4:30 ng hapon noong Huwebes.
Nakaupo si Espinosa sa monoblock chair habang hinihintay ang kanyang pagkakataong magsalita sa campaign rally nang barilin siya ng isang hindi nakilalang lalaki na nakatago sa kisame ng stage, ayon sa pulisya.
Tinamaan si Espinosa ng bala sa kanang braso at lumusot sa kanyang braso.
Ayon pa sa pulisya, tinamaan din ang kapatid na si Mariel Espinosa na kanyang running mate para sa pagkabise alkalde, isang bata na kapwa nagtamo ng minor injuries pero sila ay ligtas na sa kapahamakan.
Sinabi ni Garcia na base sa imbestigasyon ng PNP, natukoy na ang mga indibidwal na responsable o accountable sa insidente.
Para aniya sa Comelec, ito ay sapat na at hindi na kailangang magdulot ng alarma sa buong bayan kung ilang indibidwal lamang ang responsable rito.
Noong Huwebes, nasa kustodiya na ng PNP ang pitong pulis na kapwa nakatalaga sa Ormoc City Police Station na na-tag bilang persons of interest sa pamamaril kay Espinosa. Jocelyn Tabangcura-Domenden