MANILA, Philippines – Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, humihiling umano ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng agarang dismissal ng impeachment case dahil wala umano silang maipakitang counterevidence laban sa mga alegasyon sa Articles of Impeachment.
Sa isang panayam, sinabi ni Alonto Adiong na mahaba ang sagot ng kampo ng Bise Presidente ngunit nakatuon ito sa pagpapatigil ng kaso sa halip na harapin ang mga paratang sa paglilitis.
Ayon sa kanya, ang nais ng depensa ay maibasura ang kaso bago pa man maipresenta ang ebidensya sa impeachment court. Giit niya, wala sa Konstitusyon ang nagbibigay sa Senado ng kapangyarihang ibasura ang kaso nang hindi dinidinig ang ebidensya.
Paliwanag pa niya, ang tungkulin ng impeachment court ay magsagawa ng full trial at magdesisyon kung mag-aacquit o magko-convict batay sa ebidensya.
Dagdag pa ng House prosecution panel, inuulit lamang umano ng depensa ang mga naunang argumento mula pa sa House proceedings at hindi na bago ang mga ito.
Ayon pa kay Alonto Adiong, ang paghiling ng dismissal ay nagpapakita umano ng kahinaan ng depensa sa pagtugon sa mga paratang.
Inaasahang magpapatuloy ang impeachment court sa pre-trial sa Hunyo 18, bago ang pagsisimula ng pormal na paglilitis sa Hulyo. RNT/MND