MANILA, Philippines – Patay ang dalawang lalaki matapos na masangkot sa banggaan ng motorsiklo sa national highway sa Brgy. Pondol, Balamban sa midwestern Cebu.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ellroy Alcular Creta, residene ng Brgy. Abucayan, Balamban at Jeffrey Tatoy Solasco, na mula sa Brgy. Maghan-ay, Tuburan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng dalawang motorsiklo ang magkabilang lane ng national highway madaling araw ng Sabado, Nobyembre 30.
Minamaneho ni Solasco ang motorsiklo nang sakupin nito ang kabilang lane dahilan para makabanggaan niya ang minamanehong motorsiklo ni Creta.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang dalawa.
Agad na dinala ang mga biktima sa ospital ngunit idineklarang patay.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Balamban police kaugnay sa insidente. RNT/JGC