MANILA, Philippines – Nauwi sa trahedya ang birthday celebration sa isang resort sa Cavite matapos ang barilan sangkot ang dalawang lasing na pulis.
Sa insidente ay isa sa dalawang pulis ang nasawi kasama ang isa pang sibilyan.
Ang biktima at ang suspek ay dumalo lamang sa birthday celebration ng bagong talagang hepe ng Maragondon.
“All came from the birthday of the Chief of Police of Maragondon. All were drunk and carrying their service firearms with them. One thing led to another,” pagkukumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa GMA News.
Sugatan naman ang isa pang pulis sa insidente na ngayon ay nasa stable na kondisyon.
Agad na naaresto ang suspek ngunit tumangging magsalita sa media.
Ang mga pulis na sangkot sa barilan ay nakatalaga sa iba’t ibang istasyon ng pulis at hindi sa ilalim ng Maragondon police.
Sa kabila nito ay agad na inalis sa pwesto ang hepe ng Maragondon.
“Well, automatic ’yan. ’Yung COP (chief of police), immediately relieved natin ’yan… At ’yung suspect naman natin, natural, naaresto naman natin siya. Kaya ongoing ang investigation natin kung ano ang criminal liability niya at administrative liability niya,” ayon kay Cavite Police Provincial Office director Police Colonel Ariel Red.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente ayon kay Philippine National Police chief Police General Jose Nartatez Jr. RNT/JGC