Home HOME BANNER STORY 2 patay sa hit-and-run sa Cavite

2 patay sa hit-and-run sa Cavite

1
0

MANILA, Philippines – Kalunos-lunos ang sinapit ng tatlong babae na nasagasaan habang papauwi galing sa trabaho makaraang araruhin ng rumaragasang sasakyan sa Santa Rosa–Tagaytay Road sa Brgy. Pasong Langka, Silang, Cavite.

Ayon sa nakalap na report, dalawa ang namatay kabilang ang isang 18-anyos na working student at isang 43-anyos na ginang, habang sugatan naman ang isa pa nilang kasamahang 26-anyos.

Batay sa kuha ng CCTV footage bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente nang sabay sabay na tumawid ang tatlong biktima sa nasabing highway.

Huminto pa sila sa gitna ng kalsada upang palampasin ang isang sasakyan, ngunit ilang segundo lamang ang lumipas ay bigla silang sinalpok ng isa pang kotse mula sa kabilang direksiyon.

Dahil sa tindi ng impact at pagkakabangga ay tumilapon ang tatlo sa kalsada.

Napag-alaman na ang isang 18-anyos na working student ay nagulungan ng isa pang sasakyang kasalubong.

Sa halip na huminto at tumulong, kapwa umano nagtuloy-tuloy sa pagtakbo ang dalawang sasakyang sangkot sa insidente.

Laking sakit naman ng naramdaman at mas lalong dumurog sa puso ng pamilya ang sinapit ng dalaga nang mismong ang kanyang ama, na isang barangay tanod at naka-duty nang gabing iyon, ang unang rumesponde sa aksidente.

Hindi niya inakala na ang sariling anak pala ang kanyang makikitang nakahandusay sa kalsada.

Ayon sa ama, nakatanggap lamang siya ng tawag tungkol sa isang malagim na insidente.

Ngunit pagdating niya sa pinangyarihan, tumambad sa kanya ang walang buhay na katawan ng kanyang anak.

Aniya, hindi niya malaman kung uunahin ba ang paghabol sa mga tumakas na sasakyan o ang pagsaklolo sa mga sugatan.

Sa huli, ang dalawang iba pang biktima na lamang ang kanilang naihatid sa ospital.

Hindi rin napigilan ng ina ng biktima ang pagluha habang ikinukuwento na ilang araw na lamang sana ay magsisimula na ang kanyang anak bilang first-year college student.

Nakapag-enroll na ito at nabili na rin ang mga kinakailangang gamit.

Kusang-loob din umano itong nagtrabaho upang makatulong sa gastusin ng pamilya bago magsimula ang klase.

Aniya, paulit-ulit pa siyang sinasabihan ng anak na hanggang matapos na lamang ang kontrata nito sa trabaho bago tumigil.

Hindi niya akalaing ang tinutukoy nitong “katapusan” ay magiging huling yugto na pala ng kanyang buhay.

Samantala, naiwan naman ng 43-anyos na ginang ang kanyang asawa at dalawang anak na ngayo’y nagdadalamhati sa biglaang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.

Ang 26-anyos na kasama nila ay patuloy namang nagpapagamot matapos magtamo ng mga pinsala sa katawan.

Ayon kay Brgy. Pasong Langka Captain Elmer Dimapilis, katitila lamang noon ng malakas na ulan kaya halos zero visibility ang mga motorista.

Pinaniniwalaang nakaambag din ito sa nangyaring aksidente, bagama’t iginiit niyang mabilis din ang takbo ng mga sasakyang dumaraan sa naturang highway.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang barangay sa pulisya upang makita ang mga CCTV footage at matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang driver na tumakas matapos ang insidente. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here