MANILA, Philippines – Dalawang insidente ng magkasunod na pamamaril ang naganap nitong Sabado, Oktubre 10, na ikinasawi ng isang 29 anyos na binata at security guard sa magkahiwalay na bayan ng Tiaong at Buenavista.
Kinilala ang nasawing security guard na nagtamo ng tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan na si alyas Bok, 49, may-asawa, company security guard, at naninirahan sa Sitio Hilirang Buli Barangay Lagalag, Tiaong, Quezon.
Base sa report na dumating sa tanggapan ni PBGen. Dominic L Baccay, Regional Director ng PRO4 CALABARZON, dakong alas-5:20 ng hapon nang pagbabarilin ang biktima ng isang hindi nakikilalang suspek na lulan ng kulay itim na Rusi motorcycle na walang plaka sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Lagalag, Tiaong, Quezon, habang patungo umano ito sa kanyang trabaho.
Samantala, namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si alyas Loto, 29, binata, ng Barangay Bulo Buenavista, Quezon.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Buenavista Municipal Police Station sa pinangyarihan ng krimen, dakong alas-8:15 ng gabi ng Sabado habang naglalakad ang biktima na papauwi sa kanilang tahanan sa Barangay Bulo nang bigla itong pagbabarilin ng isang mekanikong suspek na sakay ng isang Toyota Vios sa bahaging likuran ng katawan mula sa caliber 45 pistol nang isang alyas Salto Jr. 33, tubong Catanauan, Quezon, residente ng Barangay Bukal, Buenavista, Quezon.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at dragnet operation ng Tiaong Municipal Police Station at Buenavista Municipal Police Station para sa agarang ikadarakip ng mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen. Ellen Apostol