VALENZUELA, Philippines – Dalawang babae ang swak sa selda matapos magpanggap na faith healer at mambudol ng P311,100.00 halaga ng alahas at cash, sa Valenzuela City.
Kinilala ni PCOL Joseph Talento, Acting Chief of Police ng Valenzuela City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Charie”, 34, at “Maria”, 50, pawang residente ng Barangay San Rafael, Montalban Rizal.
Sina Gilda, at Domingo, mag-asawa kapwa 46 anyos at residente ng Barangay Mapulang Lupa, Valenzuela City, ang nabiktima ng mga suspek.
Batay sa imbestigasyon, nakilala ni Domingo ang mga suspek sa palengke sa Barangay Malinta habang nagtatawas at nagbebenta ng mga diumano’y herbal na gamot.
Ayon kay Domingo, halos dalawang taon ng may sakit na “sciatica” ang kanyang asawa.
Diumano ay nangako ang mga suspek na kaya nilang pagalingin ang asawa ni Domingo sa pamamagitan ng isang ‘healing ritual’.
Ayon sa biktima, pinapaghanda sila ng mga suspek ng walong iba’t ibang uri ng prutas, walong iba’t ibang uri ng bulaklak, walong pirasong itim na kandila, P198,100.00 cash, pitong iba’t ibang uri ng gold na alahas na nagkakahalaga dapat ng P113,000.00, at dalawang puting sobre para “alay” o “offering” kay ‘Datu Karu’, ang puting duwende na magpapagaling anila kay Gilda.
Ayon pa umano sa mga suspek, gagamitin lamang ang mga ito sa ritwal at hindi nila iuuwi o kukuhanin.
Nakumbinse naman ang mag-asawang biktima kaya’t nang personal silang pinuntahan ng dalawang suspek sa kanilang bahay, araw ng Linggo, isinagawa ang diumanong ritwal.
Dagdag pa sa ulat, isinilid ni Maria ang pera at mga alahas sa puting sobre at tinalian ito. Inutusan ni Maria si Domingo na dalhin ito sa loob ng kanilang banyo kasama ang iba pang alay at magdasal aniya kay Datu Karu na pagalingin ang kanyang asawa, bagay na sinunod naman ng biktima.
Makalipas ang ilang minuto ay sumunod si Charie sa banyo at pinalabas ang biktima. Aniya, magdarasal din siya kay Datu Karu. Paglabas ni Charie, si Maria naman ang pumasok sa banyo at ikinandado ito.
Paglabas ni Maria, ibinalot nito ang mga alay sa dilaw na tela at itinali ito. Inutusan ng mga suspek ang biktima na dalhin ito sa kanilang kuwarto at mahigpit na sinabihang huwag na huwag itong bubuksan dahil babalikan nila kinabukasan. Matapos noon ay nagmamadaling umalis ang mga suspek.
Sa pagdududa ni Domingo dahil sa pagmamadali ng dalawa, binuksan niya ang itinaling alay at doon niya natuklasan na napalitan ng mga papel (budol money) ang kanilang pera at mga alahas.
Dali-dali niyang hinabol ang dalawa hanggang sa maituro ito ng mga nakakita na sumakay anila ang dalawa sa bus sa Valenzuela Gateway Complex (VGC). Nang maabutan pa ang mga suspek ay kaagad iniulat sa pulisya ng sub-station 8 ang pangyayari. Mabilis namang dumating ang kapulisan kaya’t hindi na nakatakas ang dalawa at inaresto ang mga ito.
Narekober sa mga suspek ang cash at mga alahas ng biktima.
Mga kasong paglabag sa article 315 ng revised penal code o “swindling/ estafa” ang kinakaharap ng mga suspek. (Merly Duero)