Home METRO 2 Pinay, ‘pekeng’ asawa buking sa BI

2 Pinay, ‘pekeng’ asawa buking sa BI

MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na nasabat ang dalawang biktima ng pekeng kasal sa isang Chinese man sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon sa immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, ang dalawang biktima ay tinangkang makasakay ng Xiamen Air patungong China kasama ang umano’y kanilang asawang mga Chinese.

Sinabi ng mga biktima na may edad 36 at 24 na papunta umano sila ng China upang bisitahin ang kanilang pamilya kasama ang umano’y asawa nila.

Ang isa ay nagpakita ng certificate of marriage mula sa office of the civil registrar, pero inamin na wala siyang pinirmahan na anumang dokumento ng kasal, walang naganap na seremonya at humingi lamang sila ng kanyang birth certificate at ipoproseso na lamang nila ang mga dokumento.

Habang ang isa naman ay nagpakita ng Philippine Statistics Authority marriage certificate na may apostille certification, gayunman, inamin ng biktima na ang kanyang certificate ay inayos lamang ng kanyang ‘asawa’ sa pamamagitan ng ahente at wala rin naganap na seremonya.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na karamihan sa mga biktima ay mga taga-probinsya na walang kamuwang-muwang sa modus operandi ng sistema ng pagpapakasal. JAY Reyes