MANILA, Philippines – Dalawang vloggers ang tinukoy ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Jay Tarriela bilang “pro-China” dahil sa umano’y pagsusulong ng maling impormasyon kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Committee on Transportation, Committee on National Defense and Security, at Committee on Foreign Affairs (Tri-Committee Hearing), tinanong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Tarriela hinggil sa mga vloggers na nagsisilbing tagapagsulong ng propaganda ng China.
Ani Barbers, “kung sa politika ay may mga tagasuporta ng kandidato, iba ang usapin sa WPS. Ang pagkampi rito ay maituturing na pagtataksil sa bayan.”
Matapang na pinangalanan ni Tarriela sina Mark Anthony Lopez at Adolfo “Ado” Paglinawan bilang mga nagpapakalat ng false narratives kaugnay ng usapin sa WPS.
Nang tanungin ni Barbers si Paglinawan tungkol sa kanyang posisyon sa WPS at kung sino ang may-ari ng mga lugar na tinatayuan ng mga imprastraktura ng China, sagot ni Paglinawan:
“Wala pong tinatayo ang Tsina sa mga lugar na ating inokupa.”
Agad naman itong kinontra ni Barbers at binanggit ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na malinaw umanong nagsasaad na ang naturang lugar ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa panig naman ni Lopez, matatandaang minsan na siyang nag-post sa kanyang Facebook page na gumamit umano ng water cannon ang PCG laban sa mga Chinese fishermen—isang pahayag na kabaligtaran umano sa aktwal na pangyayari. Kalaunan ay humingi ng paumanhin si Lopez sa kanyang pagpapakalat ng maling impormasyon. Gail Mendoza