Binigyang-diin sa pagdinig ng Senado ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang kritikal na papel ng Malasakit Centers sa pagpapagaan ng mga pasanin ng mahihirap.
Kaya naman iginiit ni Go sa mga ahensya ng gobyerno na maayos na i-operate ang mga one-stop shop na ito sa buong bansa alinsunod sa Malasakit Centers Law na pangunahin niyang iniakda at itinaguyod noong 2019.
Ipinaalala niya sa mga opisyal ng ahensya na ang programa ay nagsimula sa isang simple ngunit mahalagang layunin — ang iligtas ang mahihirap na Pilipino mula sa paghingi ng tulong sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno upang mabayaran ang pagpapaospital.
“Buti na lang may Malasakit Center na. Mayroon silang matatakbuhan kahit papaano, na mababawasan ‘yung problema nila sa pagpapa-ospital,” ani Go.
Sa hearing, binanggit ni Go ang accountability at updates mula sa mga pangunahing health at social welfare agencies ukol sa inisyatiba.
Pinukaw ni Go ang matagal nang naantala na paglagda sa amended joint administrative order (JAO) sa mga kinauukulang ahensya tulad ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office, at PhilHealth. Layon ng JAO na i-update at palawakin ang tulong-medikal na ibinibigay sa Malasakit Centers.
“Kumusta na po ‘yung JAO?… Mag-two-year anniversary na po ‘yung JAO n’yo. I think mag-two years, three years na po yata. Parang a-JAO (ayaw) n’yong tumulong?” tanong ni Go.
Sinabi ng mga opisyal ng DOH sa komite na ang JAO ay nasa Office of the Secretary na at naghihintay na lamang ng pinal na pirma ni DOH Secretary Teodoro Herbosa.
Binigyang-diin ni Go na dapat apurahin ang inamyendahang JAO dahil magpapagaan at magpapalawak ito ng access sa tulong ng gobyerno para sa mahihirap na pasyente.
Kinuwestyon ni Go ang tila kawalan ng aksyon ukol dito kaya ipinaalala niya sa mga ahensya na ang mga pondong sangkot dito ay pag-aari ng taumbayan.
“Baka ayaw n’yong tumulong sa mga mahihirap? Hindi n’yo naman pera ‘yan. Pera ng mga kababayan natin ‘yan,” idiniin ng senador.
Inusisa niya ang DSWD kung sapat ba ang tulong-medikal mula sa mga kasalukuyang programang panlipunan nito sa kabila ng kawalan ng nilagdaang JAO.
Bilang tugon, kinumpirma ng DSWD na ang tulong-medikal ay nagpapatuloy at umaabot sa Malasakit Centers.
Ipinaliwanag ng ahensya na patuloy nitong kinikilala ang Malasakit Centers bilang mga awtorisadong lugar para sa pagbibigay ng tulong medikal bukod pa sa iba sa kabila na ang opisyal na JAO ay hindi pa pirmado.
Hiningan din ni Go ng update ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hinggil sa impormasyon na 40 lamang sa 167 Malasakit Centers ang may nakatalaga itong mga tauhan ng PCSO.
Ipinaliwanag ng PCSO na patuloy pa rin itong kumukuha ng mga tauhan para ilagay sa Malasakit Centers ngunit ipinaliwanag na ang pagpuno sa mga posisyon ng plantilla ay nangangailangan ng pag-apruba mula sa ilang oversight body.
Tiniyak ng ahensya kay Go na tuloy-tuloy ang kanilang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya at nananatiling accessible ang tulong medikal nito sa lahat ng Malasakit Centers. RNT