IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkaka-aresto sa tatlong illegal aliens na nahuli mismo sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros.
Ibinahagi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang tatlong dayuhan ay naharang ng mga opisyal ng immigration regulation division (IRD) sa tatlong magkakahiwalay na okasyon matapos iulat sa BI ang kanilang mga bagong pasaporte.
Nabatid na batay sa ipinapatupad na polisiya ng Immigration, ang mga dayuhang mamamayan ay dapat na mag-ulat ng mga bagong pasaporte at mga travel documents upang ilipat ang kanilang latest entry at mga visa mula sa kanilang lumang pasaporte.
Ayon sa BOC, noong nakaraang Agosto 2, inaresto ng mga opisyal ang isang Chinese na kinilalang si Song Tiancheng, 25, matapos itong matuklasan na isang wanted na pugante na nahaharap sa kasong contractual fraud sa China.
Isang kaso ng deportasyon ang isinampa laban sa kanya noong unang bahagi ng taon matapos ipaalam ng mga awtoridad ng China sa BI ang tungkol sa kanyang nakabinbing kaso sa China.
Samantala, naaresto din ng mga opisyal noong Agosto 6 ang isang Taiwanese na kinilalang si Tu En Cheng, 51, matapos itong mapatunayang subject ng summary deportation order na inilabas ng board of commissioners ng BI noong 2020.
Si Tu ay isang takas sa kanilang bansa dahil sa kinakaharap nitong fraud, na nag-udyok sa BI na magsampa ng undesirability laban sa kanya.
Kinabukasan, inaresto rin ang isang babaeng Intsik matapos mapag-alamang pugante. Si Dong Baolian, 39, ay isang takas mula sa China na pinaghahanap dahil sa pandaraya.
Nabatid na si Baolian ay isang miyembro ng kumpanya na di-umano’y bumuo ng isang application na ginamit para sa panloloko ng mahigit CNY 1.54 Million mula sa mga biktima nito.
Lahat ng tatlong dayuhan ay mananatili sa holding facility ng BI habang nakabinbin ang kanilang deportasyon. JAY Reyes