Home METRO 2 puganteng Chinese na wanted sa POGO scam, fraud arestado sa Cebu...

2 puganteng Chinese na wanted sa POGO scam, fraud arestado sa Cebu at Mindoro

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng Chinese national na wanted na ang isa ay sangkot sa Philippines Offshore Gaming Operator (POGO) scam hub at ang isa naman ay sangkot sa credit card fraud, sa isinagawang hiwalay na operasyon sa Cebu at sa Mindoro.

Ayon sa BI, isa sa suspek ay kinasuhan dahil sa pagtatrabaho nang walang permit o dahil sa hindi wastong dokumentasyon noong siya ay nahuli sa POGO firm noong nakaraang taon sa Las Piñas City. Gayunpaman, nakatakas siya sa mga awtoridad at nagtungo sa Cebu upang maiwasan ang deportasyon.

Ayon kay BI fugitive search unit chief Rendel Sy, may mga nabiktima din umano sa China ang suspek kaya’t gusto nila itong maibalik sa nasabing bansa upang doon nila maumpisahan ang imbestigasyon laban dito.

Samantala, isang Chinese national na nagtatago dahil sa umano’y credit card fraud ang nahuli sa Mindoro.

Bineberipika ng BI kung may mga nabiktima sa Pilipinas ang naarestong suspek bago ang proseso ng kanyang deportasyon. Nakakulong ito ngayon sa BI detention facility sa Bicutan. JAY Reyes