Home METRO 2 pulis, 3 pa sugatan sa inararong Comelec checkpoint

2 pulis, 3 pa sugatan sa inararong Comelec checkpoint

CAUAYAN CITY, Isabela – Nilalapatan ng lunas ang dalawang pulis at tatlo pang katao na sugatan matapos araruhin ng isang van ang sinusundang SUV at mga pulis na nagsasagawa ng Comelec Checkpoint sa Minante 2 dito sa nasabing Lungsod.

Maliban sa mga pulis ay nagtamo rin ng mga galos ang ilang sakay ng dalawang sasakyan.

Ayon sa tsuper ng van na si Abel Bugtong na residente ng Bubok Bokod Benguet galing umano sila sa Del Pilar Alicia Isabela at patungo sa sentro ng Cauayan City para kumain nang mangyari ang aksidente.

Batay sa kanyang salaysay, sinusundan nila ang SUV nang bigla umano itong tumigil at sa bilis ng takbo ng sasakyan ay hindi na niya nakontrol pa at nabangga ang likurang bahagi ng SUV at saka dumiretso sa gilid ng kalsada at bumangga sa isang sementong poste.

Aniya hindi nila alam na may Comelec checkpoint sa nasabing lugar dahil dumayo lamang sila sa lungsod.

Inamin naman ng tsuper na nakainom sila ng kanyang kasama at nagkayayaan lamang na kakain sa lungsod ng Cauayan.

Samantala, nakatakdang sampahan ng kaso ang naturang drayber habang nagpapagaling sa pagamutang biktima. Rey Velasco