ZAMBOANGA CITY- Arestado ang dalawang tumakas mula sa Philippine Drug Enforcement Agency detention facility noong Mayo matapos silang masugatan sa isang shootout laban sa mga awtoridad sa law enforcement operation sa Pandami, Sulu nitong Sabado.
Kinilala ang mga suspek na sina Amil Khan Abubasar, 24, at kasamang si Wilson Indanan, alyas Tulo, 25.
Batay sa imbestigasyon, magsisilbi ang composite team ng kapulisan at ng PDEA ng warrant of arrest laban kay Abubasar sa kanyang bahay sa Pandami nang paputukan sila ng mga suspek.
Ipinagpatuloy ng mga suspek ang pamamaril habang tinatangkang pumunta sa likod-bahay upang tumakas nang matamaan sila ng bala.
Nagsagawa naman ang mga awtoridad ng first aid at dinala ang mga suspek sa Pandami Rural Health Unit kung saan ginamot ang kanilang mga sugat. Kalaunan ay inilipat si Abubasar sa Siasi District Hospital sa Sulu.
Narekober ng mga pulis ang high-powered firearms at ammunition mula sa mga suspek.
Isa si Indanan sa apat na suspek na nadakip sa buy-bust operation sa Barangay Mampang, Zamboanga City noong Mayo 2 kung saan P146.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska.
Naaresto si Abubasar ng PDEA-9 at intelligence operatives dahil sa umano’y pagbebenta ng dalawang kilong ilegal na droga sa buy-bust operation noong Marso 2 sa Barangay Camino Nuevo, Zamboanga City.
Kabilang sina Indanan at Abubasar sa pitong drug suspects na nakatakas mula sa PDEA detention facility sa Zamboanga City noong Mayo 13.
Pinaghahanap pa ang limang natitirang suspek. RNT/SA