Home METRO 2 rider, sugatan sa bumagsak na poste ng Meralco sa Navotas

2 rider, sugatan sa bumagsak na poste ng Meralco sa Navotas

3
0

MANILA, Philippines – Sugatan ang dalawang riders nang mahagip ng kawad ng kuryente mula sa bumagsak na poste ng Meralco ang kanilang motorsiklo sa Navotas City, Lunes ng gabi.

Sa ulat, nangyari ang insidente dakong alas-7:28 ng gabi sa Marala Bridge patungong Honorio Lopez Blvd matapos unang bumagsak ang isang malaking pribadong poste at nahagip ang mga kawad ng kuryente na dahilan ng pagbagsak ng poste ng Meralco.

Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kasama ang kapulisan, City Traffic and Parking Management Office (CTPMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang asistihan at madala sa pagamutan ang nasugatang riders saka i-cordon ang lugar.

Naglabas din ng abiso ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa mga motorista na maghanap muna ng alternatibong daan at mag-ingat sa pagbiyahe habang pinaalalahanan din ang mga pedestrians na iwasang magdaan sa lugar.

Pansamantalang isinara sa daloy ng trapiko ang naturang tulay upang bigyang-daan ang mabilis na pagkukumpuni ng Meralco sa natumbang poste at pagbabalik ng supply ng kuryente sa mga apektadong lugar. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here