Home NATIONWIDE 2 safe house ni Bantag sinalakay ng NBI

2 safe house ni Bantag sinalakay ng NBI

MANILA, Philippine- Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes ang safe houses ni dating prisons chief Gerald Bantag, na akusadong nag-utos na patayin ang radio broadcaster na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid. 

Pinangunahan ng NBI-Metro Manila operatives ang pagsalakay sa safe houses ni Bantag sa Caloocan at Laguna.

Bagama’t hindi namataan si Bantag sa dalawang lugar, sinabi ng NBI na ipagpapatuloy nito ang manhunt sa iba pang lokasyon.

Patay sa pamamaril si Mabasa malapit sa kanyang tahanan noong 2022 matapos ihayag ang kanyang mga komento online kung saan tila iniuugnay si Bantag sa korapsyon.

Inakusahan din ng mga opisyal si Bantag na ito umano ang nag-utos na patayin si Cristito Villamor Palana, isang preso na umano’y nagpasa ng kill order sa gunman na bumaril kay Mabasa.

Nauna nang itinanggi ni Bantag ang anumang korapsyon o papel sa mga krimen.

Samantala, nag-abiso ang NBI sa publiko na mayroong P2 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ukol kay Bantag. RNT/SA