Geneva, Switzerland—Kinumpirma ng World Health Organization (WHO) nitong Martes ang dalawang kaso ng hantavirus at limang pinaghihinalaang kaso sa mga pasahero ng isang cruise ship na na-stranded malapit sa Cape Verde, kung saan tatlo na ang nasawi.
“As of 4 May 2026, seven cases (two laboratory confirmed cases of hantavirus and five suspected cases) have been identified, including three deaths, one critically ill patient and three individuals reporting mild symptoms,” ayon sa pahayag ng United Nations health agency.
Ayon sa WHO, naganap ang outbreak sa MV Hondius na naglalayag mula Ushuaia, Argentina patungong Cape Verde sa kanlurang Africa. Lumitaw ang mga sintomas sa pagitan ng Abril 6 hanggang 28, 2026, at ito ay “characterised by fever, gastrointestinal symptoms, rapid progression to pneumonia, acute respiratory distress syndrome and shock,” at idinagdag na “further investigations are ongoing.”
Binigyang-diin ng WHO na ang panganib sa pandaigdigang populasyon ay tinatayang “low,” ngunit patuloy itong mino-monitor.
Kabilang sa mga pasahero ang mga mula sa Britain, Spain, at United States, gayundin ang mga tripulanteng mula sa Pilipinas, sa kabuuang 23 nasyonalidad na sakay ng barko na may 147 katao, ayon sa WHO.
Tatlong kaso ang hindi na sakay ng barko, habang apat pa ang nananatili, kabilang ang isang German na nasawi noong Sabado. Isang pasaherong Briton ang nasa intensive care sa Johannesburg, habang dalawang tripulante—isang Briton at isang Dutch—ang nangangailangan ng “urgent medical care,” ayon sa operator na Oceanwide Expeditions.
Iniulat din ng WHO ang kaso ng isang Dutch na mag-asawa. Namatay ang lalaki noong Abril 11 habang nasa barko, samantalang ang kanyang asawa ay pumanaw matapos bumaba sa St. Helena.
“She subsequently deteriorated during a flight to Johannesburg, South Africa, on 25 April,” ayon sa WHO, at idinagdag na ito ay namatay noong Abril 26. Kalaunan ay nakumpirma sa PCR test na ito ay impeksiyong hantavirus, at “contact tracing for passengers on the flight has been initiated.”
Ayon sa WHO, ang human hantavirus infection ay isang bihira ngunit malubha at maaaring nakamamatay na sakit na kadalasang nakukuha sa pamamagitan ng contact sa ihi, dumi, o laway ng infected na daga, bagama’t may naitalang kaso rin ng human-to-human transmission sa ilang outbreak sa nakaraan. RNT