MANILA, Philippines – Nakauwi na sa bansa ang dalawa sa pitong Filipino seafarer na nasaktan sa drone attack sa Malta-flagged container vessel MV San Antonio sa Strait of Hormuz noong Mayo 5, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.
Sa media briefing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Biyernes, Mayo 15, siniguro ni Cacdac na ang nalalabing limang Filipino crew members ng container vessel na nasaktan sa drone attack ay ligtas at nagpapagaling na lamang sa ospital sa Oman.
“The good news is everyone is recuperating. May dalawa sa kanila na nabigyan na ng fit to travel at makakauwi na, and they will be arriving today,” anang opisyal.
Ngunit dahil sa insidente, sinabi ni Cacdac na hindi na sasabihin ng DMW ang arrival details ng dalawang nakauwing seafarer bilang respeto sa kanilang privacy.
Samantala, ang dalawa iba pang crew members ay na-airlift mula sa isang ospital sa Oman patungo sa isa pang ospital para sa mas maigting na gamutan, ngunit siniguro na nasa stable itong kondisyon.
“This is just for purposes of further treatment. So that’s four out of seven. Yung isa, na sabihin na nating nung una na pinaka malalang kaso, naka-intubate pero na-extubate na and recovering also well, although he remains in ICU, but ang ulat ay hindi na life-threatening ang kanyang sitwasyon,” sinabi ni Cacdac.
Umaasa ang mga doktor na maililipat na ang seafarer mula ICU patungo sa regular hospital ward.
Patuloy namang nagpapagaling sa labas ng ICU ang nalalabing dalawang seafarer at inaasahang idedeklarang fit to travel matapos ang full recovery.
Nakipagkita na ang DMW sa mga pamilya ng pitong seafarer kaugnay sa kondisyon at gamutan ng mga ito.
“Merong ilang family members na dadalaw sa kanila sa ospital, yung tinatawag na compassionate visit. So dadalhin natin ng ilang family members para makadalaw mismo dun sa ospital na kinaroonan nila.”
Sa briefing, nagpasalamat naman si Cacdac sa Sultanate of Oman sa pagbibigay ng atensyong medikal at tulong sa Filipino crew members.
Siniguro niya na lahat ng pitong nasaktang seafarer ay patuloy na makakatanggap ng kanilang sahod at family allotments sa ilalim ng kanilang kontrata sa kabila ng pagkaospital ng mga ito.
Umaasa rin siya na makakauwi na sa bansa ang lahat ng mga Filipino seafarer na apektado ng drone attack at makakatanggap ng suporta mula sa pamahalaan. RNT/JGC