MANILA, Philippines – Pinalakas pa ang seguridad sa Quiapo Church para sa mga deboto na inaasahang daragsa sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ito ay makaraang maglagay ng dalawang security machine X-ray sa bukana o entrada ng Minor Basilica.
Ininspeksyon ito ni MPD Director Col.Thomas Arnold Ibayat at iba pang opisyales ng simbahan at mga komite ng Nazareno 2024.
Ang naturang mga machine ay karagdagang seguridad at bilang tulong na rin ng gobyerno upang mapanatili na maayos at mapayapa ang mga aktibidad sa Pista ng Quiapo lalo sa dambana ng itim na Nazareno.
Napag-alaman na pangangasiwaan ang mga machine ng airport police kung saan susuriin ang mga gamit na maaaring ipasok ng mga deboto tulad ng mga bag at iba pa.
Kasabay nito, isang lalaki ang inaresto sa First Friday Mass makaraang magbiro na mayroong bomba sa loob ng Simbahan.
Kinilala ang naarestong suspek na si Dennis Garcia y Espejo, 42, nakatira sa #32 Salazar St., Brgy. Talipapa, Quezon City.
Bagamat nagbiro lamang ang lalaki, siya ay tinuluyan nang pulisya at pinosasan saka dinala muna sa pagamutan para sa medical check-up bago dinala sa presinto.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727.
Kapag napatunayang nagkasala ay papatawan ito ng pagkakulong na hindi hihigit sa limang taon at multa na hindi lalagpas sa P40,000 depende sa desisyon ng korte. Jocelyn Tabangcura-Domenden