ZAMBOANGA, SIBUGAY — Pinagbabaril at napatay ang dalawang security guard ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa loob ng opisina ng ahensya sa Ipil, Zamboanga Sibugay, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Jamie Dante, 52, residente ng Naga, at Arkhads Muharral, 41, residente ng Tungawan, parehong mula sa Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Police Major Pocholo Rolando Guerrero, acting chief ng Ipil Police, nitong Martes, ika-6:00 ng umaga, Nobyembre 4, 2025, natagpuan ang mga bangkay sa receiving area ng BIR office ng utility worker na papasok sa trabaho.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nagtamo si Dante ng limang tama ng bala sa mukha, baba, at dibdib, habang si Muharral naman ay may apat na tama ng bala, kabilang ang isa sa ulo.
“Nung naabutan po ng personnel ng BIR, patay na yung dalawa, medyo dry na ang dugo,” ayon kay Lt. Gina Magnaye, tagapagsalita ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office.
Ayon sa pulisya, bukod sa nawawala ang CCTV camera sa opisina, hindi rin mahanap ang modem at memory card nito.
Nawawala rin ang service firearms ng dalawang biktima, na hinihinalang tinangay ng mga suspek.
Natuklasan din ng mga awtoridad na binuhusan ng gasolina ang mga computer sa opisina, bukas ang isang steel cabinet, at nagkalat ang mga dokumento.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen.