MANILA, Philippines – Binaril ng lasing na 63-anyos na lalaki ang pamangkin nito at isa pang indibidwal dahil sa away sa lupa sa Lucena City nitong Martes, Hulyo 16.
Sa ulat, umuwing lasing si “Margarito” sa Barangay Ilayang Iyam bandang alas-9 ng gabi para kumuha ng improvised shotgun mula sa kanyang bahay.
Matapos nito ay nagtungo ang uspek sa tindahan sa loob ng kaparehong compound kung nasaan ang bahay nito saka binaril ang pamangkin na si “Arvin,” 49, na nagbabantay sa tindahan.
Narinig ni “Marlon,” 42, isa pang pamangkin ni Margarito, ang putok ng baril kaya tumakbo ito sa pinangyarihan ng krimen.
Dahil dito ay sinubukan din paputukan ni Margarito si Marlon na kalaunan ay naagaw naman ang baril.
Sa pakikipagbuno, tinamaan si Marlon sa kanang pisngi ng matigas na bagay at nasugatan.
Dinala sa ospital ang dalawang biktima para gamutin habang nakatakas naman si Margarito na kalaunan ay naaresto ng mga pulis.
Ayon naman sa mga kaanak ni Margarito, sinubukan umano nitong kitilin ang sarili ngunit napigilan lang.
Sinabi ng mga imbestigador na ang motibo sa pamamaril ay dahil sa agawan sa pagmamay-ari ng compound.
Hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye ang pulisya. RNT/JGC