Home METRO 2 sugatan sa sunog sa warehouse sa Subic

2 sugatan sa sunog sa warehouse sa Subic

2
0

SUBIC — Dalawang katao, kabilang ang isang firefighter, ang bahagyang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang warehouse sa Subic Bay Freeport Zone nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Fire Department, nabigyan agad ng first aid ang dalawang sugatan.

Nagsimula ang sunog makalipas ang alas-10 ng gabi sa tinatayang tatlong palapag na gusali.

Ayon sa isang saksi, posibleng nagsimula ang apoy sa ground floor matapos makalanghap ng usok ang mga empleyadong nasa ikalawang palapag.

Agad namang nagsilabasan ng gusali ang mga manggagawa.

Rumesponde sa insidente ang mga firefighter mula sa SBMA, Olongapo, Angeles City at Lubao, Pampanga, kasama ang mga tauhan ng Disaster Risk Reduction and Management Office.

Gumamit din ng aerial ladder ang mga bumbero upang makatulong sa pagkontrol sa apoy.

Mahigit alas-4 ng madaling araw nitong Huwebes ay may naririnig pa umanong mga pagsabog mula sa nasusunog na warehouse.

Kumalat din ang makapal at maitim na usok sa Subic Freeport Expressway at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), na nagdulot sa ilang pagkakataon ng halos zero visibility sa mga motorista.

Pinayuhan ang mga bumibiyahe sa Subic Freeport Expressway, SCTEX at North Luzon Expressway patungong Maynila na mag-ingat.

Patuloy pa ang firefighting operations nitong Huwebes ng umaga. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here