Home NATIONWIDE 2 sugatang PH Navy, personal binisita ni PBBM

2 sugatang PH Navy, personal binisita ni PBBM

3
0

MANILA, Philippines – Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Camp Ricarte Station Hospital sa Puerto Princesa City ang dalawang sugatang kawani ng Philippine Navy na nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Bilang pagkilala sa kanilang katapangan at tapat na paglilingkod sa bayan, iginawad ng Pangulo ang Order of Lapu-Lapu sa dalawang sundalo at ipinagkaloob ang tig-PhP 100,000 na tulong pinansyal.

Kasabay nito, ipinahayag ng Pangulo ang buong suporta ng pamahalaan sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines na patuloy na nagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa.

Nauna rito, mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) ang pinakabagong insidente kung saan sangkot ang China Coast Guard (CCG) laban sa Philippine Navy personnel na naka-assign sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Inilarawan ng DND ang insidente bilang bahagi ng nagpapatuloy na pattern ng “provocative and hostile” na asal ng CCG.

Sinasabing, nangyari ang insidente sa isang komprontasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS), araw ng Lunes, Hulyo 20.

Tinuran naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lulan ng rigid-hull inflatable boat (RHIB) ang CCG na may sakay na walong personnel at nilapitan ang BRP Sierra Madre ang outpost ng Philippine military sa Ayungin Shoal at doon kumuha ng mga larawan at video ang CCG.

Kaagad namang nilapitan ng AFP lulan ng rubber boats para itaboy ang mga ito, iyon lamang ay naging agresibo ang mga Chinese Coast Guard at bigla na lamang pinalo ang isang miyembro ng Philippine Navy na nagresulta sa pagkakasugat sa ulo.

Dahil rin sa pangyayari ay nagtamo rin ng danyos ang rubber boats ng Navy.

Kaagad naman na nagbigay ng lunas ang Western Command (WESCOM) sa nasugatang personnel.

Para sa AFP, ginawa lamang nila ang nararapat kung saan sinunod ang Rules of Engagement.

At para naman sa DND, ang pinakabagong act of violence at harassment ay karagdagan sa “deficit of trust and credibility” ng People’s Republic of China. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here