MANILA, Philippines- Nalambat ng mga miyembro ng Muntinlupa City police ang dalawang indibidwal sa ikinasang buy-bust operation nitong Huwebes ng madaling araw, Pebrero 27.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga inarestong suspek na sina alyas Nobaisa, 38, at isang alyas Milla, 34, kapwa residente ng Purok 4, Balbanero Compound, Barangay Alabang, Muntinlupa City.
Base sa imbestigasyon ng Muntinlupa City police, nangyari ang pagdakip sa mga suspek bandang alas-2:40 ng madaling araw sa Old City Terminal, Barangay Alabang, Muntinlupa City.
Ayon sa SPD, sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000 at ang P500 buy-bust money na nakapaibabaw sa 10 piraso ng tig-P500 bogus money na ginamit sa nabanggit na operasyon.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa laboratory examination.
Napag-alaman din sa isinagawang background check sa pamamagitan ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system na walang kinahaharap na kaso ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) at Section 11 (possession of dangerous drugs) Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan