Home NATIONWIDE Pag-IBIG Fund dividends sumampa sa record na P55.65B noong 2024

Pag-IBIG Fund dividends sumampa sa record na P55.65B noong 2024

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Pag-IBIG Home Development Mutual Fund ang pinakamataas na dividends na kinita nito sa loob ng 44 taon ng serbisyo.

Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Board of Trustees Head Jose Rizalino Acuzar na ang Pag-IBIG Regular Savings ay kumita ng annual dividend rate na 6.60%, habang ang Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings ay kumita naman ng taunang return rate na 7.10%.

“Pag-IBIG Fund has once again marked 2024 as one of its best-performing years, achieving record highs in both total assets and net income,” ang sinabi ni Acuzar sa isinagawang 2024 Chairman’s Report sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

“This accomplishment directly benefits our members, as we declared P55.65 billion in dividends which is equivalent to 82.71% of our net income, exceeding the 70% dividend requirement by law,” dagdag na pahayag nito.

Taong 2023, idineklara ng Pag-IBIG Fund ang P48.76 billion na dibidendo. Ang taunang dividend rate para sa Pag-IBIG Regular Savings ay 6.55%, habang ang MP2 Savings return rate ay 7.05%.

Binigyang-diin ni Acuzar na maaaring ipagpatuloy ng DHSUD ang pagbibigay sa mga miyembro nito ng benepisyo at isulong ang pagsisikap sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, tiyakin na ang lahat ng mga manggagawang filipino ay mayroong access sa abot-kayang pabahay.

Naitala rin ng Pag-IBIG Fund ang net income na P67.52 billion para sa 2024 na maaaring isalin sa 36% increase mula P49.79 billion noong 2023.

Idagdag pa rito, nalampasan nito ang P1 trillion mark sa total assets, nagsara ang taon sa P1.069 trillion.

Tinuran naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na ipinalabas ng ahensya ang P129.73 billion na home loans, pagtulong sa 90,640 miyembro na kumuha ng bago o mas maayos na bahay.

Idinagdag pa nito na may kabuuang P132.81 billion na membership savings ang nakolekta, at P 73.74 billion ang boluntaryong natipid o naipon sa ilalim ng Upgraded and MP2 Savings.

“It also disbursed PHP70.33 billion in cash loans to assist more than 3.2 million members,” ang sinabi ni Acosta. Kris Jose