MANILA, Philippines – Nadakip ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City police ang dalawang tulak na nakumpiskahan ng ₱374,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation Linggo ng gabi, Agosto 9.
Kinilala ng Makati City police ang mga nadakip na suspek na sina alyas Mae, 45, at isang alyas Daga, 22, kapwa walang trabaho at mga residente ng Barangay Kasilawan, Makati City.
Base sa report ng Makati City police na isinumite sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa mga suspek sa ikinasang buy-bust operation ng SDEU bandang alas 8:16 ng gabi sa H. Santos Street kung saan isang opertiba ang nagsilbing poseur-buyer na nakipagtransaksiyon sa mga suspek.
Matapos makumpleto ang bentahan at agad na dinakma ng mga operatiba ang dalawang suspek na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang walong heat-sealed transparent plastic sachet at isang buhol na plastic sachet na naglalaman ng 55 gramo ng hinihinalang shabu, isang itim na coin purse, at ang ginamit na buy-bust money sa operasyon.
Ipinaalam sa dalawang suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine sa wikang kanilang nauunawaan. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya.
Nahaharap sa paglabag ng Section 5 (Sale o Pagbebenta) at Section 11 (Possession o Pagkakaroon) ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan