MANILA, Philippines – Patay ang isang 51-anyos na drayber at kaniyang 75-anyos na pasahero matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa kanto ng Timog Avenue at EDSA sa Barangay South Triangle, Quezon City nitong Martes ng hapon, ayon sa pulisya.
Nangyari ang insidente dakong 3:32 p.m. nitong Abril 28, dagdag pa sa ulat ng kapulisan.
Kinilala ang mga nasawi na drayber na si Norberto M. Orimaco, 51, residente ng Cubao, Quezon City, at ang pasahero na si Ceferino Baltazar Mariano, 75, residente ng UP Teachers Village, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng puting Suzuki S-Presso na may plakang NLE 4839 nang pagbabarilin.
Base sa kuha ng CCTV, ang mga suspek ay dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng itim at berdeng Yamaha Mio 125S motorcycle. Sapul sa kamera ang pamamaril ng back rider gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Pagdating ng mga rumespondeng pulis, nadatnan ang isang biktima na nakahandusay sa kalsada habang ang isa ay nasa passenger seat pa ng sasakyan, kapwa may tama ng bala. Agad silang isinugod sa East Avenue Medical Center.
Inilipat na sa mga imbestigador ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit at SOCO ang kaso para sa mas malalim na pagsisiyasat.









