Home METRO 2 ‘tirador’ ng tsokolate sa Alfamart, kalaboso

2 ‘tirador’ ng tsokolate sa Alfamart, kalaboso

Bulacan -Arestado ng nga awtoridad ang dalawang binata matapos dumekwat ng tsokolate sa isang tindahan sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang mga suspek na sina Bernard Abantao, 23 at Englebert Picardal, 20 kapwa binata, jobless at residente ng Brgy. Bitungol, Norzagaray.

Sa report ng SJDM police station kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, nangyari ang insidente bandang 3:00 ng hapon nitong Abril 16 sa Alfamart Brgy. San Martin IV.

Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Ryand Paul Antimaro, pumasok ang dalawang suspek na nagkunwareng kostumer hanggang patagong kumuha ng tsokolate at isinilid sa kanilang itim na bag.

Lingid sa kaalaman nila na nakita sila ng store auxiliary na hindi nagbayad sa kahera hanggang sa nagmadaling lumabas ng pinto ng tindahan at tumakas.

Dahil dito, hinabol sila ng store auxiliary at ng kasamahang cashier subalit bumunot ng patalim ang suspek na si Bernard. Sinikap nilang dambahin ang mga suspek at napigilan.

Agad naman dumating ang mga tanod kaya tuluyang naaresto ang mga suspek na kalaunan ay isinuko sa pulisya.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III