Home METRO 2 todas, 1 sugatan sa pamamaril sa Bulacan

2 todas, 1 sugatan sa pamamaril sa Bulacan

Bulacan – Patay ang dalawang lalaking nagkukuwentuhan habang isa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang mga nasawing sina Benecio Castulo, 63 at Joel Nicolas, 46, habang sugatan ang isang Charry Fe Castulo, 57, kapwa residente ng Purok 6, Brgy. Isidro.

Sa report ng SJDM police kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, naganap ang insidente bandang 5:50 ng umaga nitong Hunyo 8 sa naturang lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nag-uusap ang mga biktima sa harap ng tindahan nang biglang bumulaga ang dalawang lalaking nakasuot ng itim na jacket at walang kaabog-abog na namaril.

Dead on the spot sina Benecio at Joel habang agad na isinugod ang sugatang si Charry sa ospital para sa paunang lunas.

Sinasabing sumibat ang mga suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Paradise ng naturang lungsod.

Patuloy ang follow up operation ng pulisya sa naturang krimen. Dick Mirasol III