MANILA, Philippines- Nasagip ng mga awtoridad nitong Linggo ang dalawang umano’y human trafficking victims sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City sa gitna ng police operation sa pasisilbi ng arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa ulat, nagsagawa ang Philippine National Police Women and Children Protection Desk at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 11 ng rescue operation.
Batay pa sa hiwalay na ulat, sinabi ni PNP Regional Office (PRO) 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey na ang mga biktima ay isang 21-anyos na lalaki mula sa Samar at isang babae mula sa bayan ng Midsayap sa Cotabato.
Ipinaliwanag ni Dela Rey na nailigtas ang dalawang umano’y biktima matapos sumangguni ng kanilang mga kaanak sa pulisya.
Dagdag ng PRO 11 spokesperson, nais umalis ng dalawa sa KOJC compound subalit pinipigilan umano ang mga ito.
Samantala, itinanggi ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon ang mga alegasyon na sangkot ang KOJC sa human trafficking.
Nagtungo ang PRO 11 units sa KOJC compound sa Davao City nitong Sabado ng umaga upang magsilbi ng arrest warrant kay KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy.
Inihirit ni Torreon sa kapulisan na itigil ang umano’y “harassment” dahil walang search warrant ang mga ito upang manatili sa KOJC compound.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Gayundin, nahaharap siya sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, as amended, sa Pasig court.
Pinabulaanan naman ni Quiboloy ang mga inihaing kaso laban sa kanya. RNT/SA