Home NATIONWIDE SC ruling sa Avelino vs Cuenco, ibinasura ni Legarda sa 12 quorum...

SC ruling sa Avelino vs Cuenco, ibinasura ni Legarda sa 12 quorum ni Gatchalian

1
0

MANILA, Philippines – Matinding ibinasura ni Senador Loren Legarda ang ginamit na Avelino v Cuenco ng grupo ni Senador Sherwin Gatchalian upang patalsikin siya at si Senate President Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules, Hunyo 3.

Sa paggamit ng Avelino vs Cuenco ng grupo ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III, nagkaroon ng quorum nang lumitaw si Senador Francis “Chiz” Escudero kaya naging 12 ang kanilang hanay na naghalal kay Gatchalian bilang acting Senate President Pro-Tempore.

Pero, para kay Legarda, na naunang idinawit ng 18 ex-Marines na tumanggap ng maletang salapi mula kay Rep. Zaldy na hindi puwedeng gamitin ang naturang desisyon ng Korte Suprema sa kasalukuyang sitwasyon ng Senado.

“Hindi puwedeng gawing shortcut ang Avelino para baguhin ang liderato ng Senado,” aniya.

Iginiit ni Legarda na kahit may nagbabanggit ng
kasong Avelino v. Cuenco para sabihing sapat na ang 12 senador para mag-session, hindi nito mababago ang malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution at sa Rules of the Senate tungkol sa tamang bilang at proseso sa pagpili ng mga
opisyal ng Senado.

“Hindi maaaring maging basehan ang session ng labindalawang (12) senador para baguhin ang Senado. Ayon sa Konstitusyon, may 24 na miyembro ang Senado. Para magkaroon ng quorum at makahalal ng opisyal, kailangang may majority. Ang bilang na iyon ay labintatlo (13),” ani Legarda.

Ipinaliwanag ni Legarda na ang doktrinang ito ay nagmula sa isang lumang kaso noon pang 1949 na saklaw pa ng 1935 Constitution. Ang tamang pagbasa dito ay dapat may tamang pag-intindi sa konteksto ng batas at kasaysayan.

“Noon, simple lang ang nakasaad sa 1935 Constitution: The Senate shall elect its
President. Wala pa noon ang requirement na mayroon ngayon na ang Senate President ay dapat mahalal by a majority vote of all its Members,” ani Legarda.

Aniya, unang lumabas ang pagbabagong ito sa 1973 Constitution at muling isinama sa 1987 Constitution.

“Mahalaga ang pagdagdag ng linyang by a majority vote of all its Members. Hindi naglalagay ng salita ang Konstitusyon nang walang dahilan. Sinadya ang pagbabagong ito para gawing malinaw ang kinakailangang boto at para maiwasan ang pagpili ng mga opisyal gamit ang pabago-bagong bilang,” paliwanag ni Legarda.

“Delikado kung basta na lang gamitin ang mga lumang desisyon nang hindi isinasaalang-alang na nagbago na ang Konstitusyon. Ang Avelino ay desisyon noong panahon ng 1935 Constitution. Iba na ang teksto ngayon. Ang kasalukuyang Konstitusyon ang dapat sundin,” ani Legarda.

Sa ilalim ng Article VI, Section 16(1) ng 1987 Constitution, malinaw na nakasaad:

“The Senate shall elect its President … by a majority vote of all its respective Members.”

Sa Senado na may 24 na miyembro, nangangahulugan ito ng hindi bababa sa labintatlong (13) boto. Binigyang-diin ni Legarda na hindi simpleng technicality lamang ang requirement na ito kundi isang constitutional safeguard.

Dagdag pa niya, hindi rin binabago ng Rules of the Senate ang Konstitusyon. Pinantayan lamang nito ang standard ng Konstitusyon.

Sa ilalim ng Rule II, Section 2:

“The officers of the Senate shall be elected by the majority vote of all its members.”

Saklaw nito ang Senate President, Senate President Pro Tempore, Secretary of the Senate, at Sergeant-at-Arms.

“Walang bagong requirement dito. Sinusunod lang ng Rules ang Konstitusyon. Kung ang Senate President ay nangangailangan ng majority vote ng lahat ng miyembro, ganoon din ang standard para sa ibang opisyal ng Senado. At sa Senado na may dalawampu’t apat (24) na miyembro, iisa lang ang ibig sabihin niyan: labintatlong (13) boto,” ani Legarda.

Makikita rin ito sa Rule XV, Section 44 ng Senate Rules, na nagsasabing:

“Except during the election of officers as provided in Section 2, a majority of the Senators shall constitute a quorum…” Ayon kay Legarda, malinaw na ipinapakita nito na magkaiba ang ordinaryong quorum at election of officers.

“Klarong-klaro sa Rules. Mismong quorum rule na ang nagsasabi: ‘except during election of officers.’ Ibig sabihin, sinadya ng Senado na magkaroon ng hiwalay na rule para sa halalan. Ang ordinaryong business ay simpleng quorum lang ang kailangan, samantalang ang election of officers ay majority vote of all members. Muli, labintatlong (13) boto,” pahayag ni Legarda.

Binigyang-diin din niya na magkaiba ang quorum at election of officers. Ang quorum ay para malaman kung puwedeng magpatuloy ang ordinaryong business ng Senado. Ang election o pagpapalit ng opisyal ay may mas mataas na requirement.

Aniya, hindi nababawasan ang kabuuang bilang dahil lang may absent. Patuloy na binibilang ang mga senador hangga’t nananatili silang miyembro ng Senado.

Tanging tunay na legal vacancy, gaya ng kamatayan, pagbibitiw, pagtanggal sa puwesto, o final disqualification, ang makapagpapababa sa bilang.

Nagbabala rin siya na kung hahayaang gamitin ang Avelino para payagan ang election of officers base lang sa nabawasang quorum o sa bilang ng present, hahantong ito sa absurdong resulta.

“Kung ganoon ang logic, kahit pito o walong senador puwedeng mag-claim na may kapangyarihan silang baguhin ang Senado. Hindi iyon ang ibig sabihin ng Konstitusyon,” ani Legarda.

“Hindi maaaring manaig ang isang doktrina noong 1949 laban sa 1987 Constitution. Hindi ito maaaring gamitin para tanggalin ang isang halal na opisyal ng Senado gamit ang mas mababang bilang ng boto,” dagdag niya.

Iginiit ni Legarda na lampas ito sa personalidad at tumutukoy sa integridad ng Senado bilang institusyon.

“Hindi puwedeng baguhin ang Senado gamit ang shortcut. Ang awtoridad ng mga opisyal nito ay nanggagaling sa Konstitusyon at sa Rules. Kapag sinabi ng Konstitusyon na kailangan ang 13 boto, walang doktrina, practice, o convenience ang makababawas doon,” pagtatapos niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here