Home HOME BANNER STORY 2 training pilot patay sa bumulusok na helicopter

2 training pilot patay sa bumulusok na helicopter

CAVITE CITY- Patay ang dalawang training pilot ng Philippine Navy (PN) matapos bumagsak ang helicopter kaninang umaga sa lungsod na ito.

Ayon kay Colonel Francel Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi na muna pinangalanan ang mga biktima at ipinaalam muna sa kanilang pamilya ang pangyayari.

Batay sa report, bandang alas-6:45 ng umaga nang mag-emergency landing ang two-seater PN Robinson training helicopter ng dalawang training pilot malapit sa pamilihang bayan ng naturang lungsod.

Sa lakas ng pagbagsak ay nawasak ang helicopter at agad namang dinala sa Cavite City Medical Center ang dalawa subalit idineklara na ring patay ang mga ito.

Sinabi ni Padilla, galing Sangley Airport ang aircraft para magsagawa ng training flight.

Agad namang ipinag-utos ng PN ang pansamantalang pagpapatigil sa pagpapalipad sa lahat ng uri ng aircraft habang isinasagawa ang imbestigasyon para alamin ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter. Mary Anne Sapico