MANILA, Philippines- Umabot ng halos siyam na oras ang sunog sa mga kabahayan sa Isla Putting Bato sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Bureau of Fire protection (BFP), nagsimula ang sunog ng alas-3:55 hapon nitong Miyerkules na umabot sa Task Force Alpha.
Pasado ala-1 na ng madaling araw ng Huwebes nang ideklarang fire out ang sunog na tumupok sa 300 bahay.
Ayon sa ilang residente, nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Purok 3 hanggang kumalat na sa Purok 5 na sakop ng Barangay 20, Isla Puting Bato.
Nagluluto umano ang isang residente nang tumagas ang gas sa kusinilya dahilan para mabilis na magliyab hanggang hindi na ito nakontrol pa at mabilis na lumaki ang sunog.
Ayon kay Barangay captain Anthony Igus, nasa 1,000 pamilya ang naapektuhan sa malaking sunog .
Tatlo naman ang iniulat na nasugatan sa sunog na agad ginamot ng medical rescue team.
Gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis nagliyab ang sunog sa mga kabahayan na nagmistulang impyerno dahil na rin sa lakas ng hangin bukod pa sa hirap ang mga bumbero dahil masikip at wala nang malusutan ang kanilang fire hose.
Tinatayang aabot sa P1 milyon ang estimated damage sa naturang sunog na hanggang ngayon ay hindi pa bati ang sanhi nito.
Nanawagan naman ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at gamit sa mga kinauukulan na tulungan silang makabangon muli at maipatayo ang kanilang mga bahay.
Pansamantalang namamalagi ang mga nasunugan sa evacuation center ng lungsod. Jocelyn Tabangcura-Domenden