MANILA, Philippines- Nais pang ungkatin ni Senador Grace Poe ang kabuuan ng programa sa PUV consolidation upang masagot ang maraming tanong na bumabagabag sa sistema na maaaring nagpapahirap sa drayber at operator sa pagtalima sa Jeepney Modernization Program.
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na kanyang kinikilala ang April 30 deadline na itinakda ng Land Transformation and Franchising Regulator Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) sa PUV modernization.
Pero aniya, kailangang malaman kung naging produktibo ang tatlong buwang ekstensyon na itinakda sa PUV Modernization Program kabilang ang mga lumutang na sigalot na nagpapahirap sa sektor.
“Naging fruitful pa ang diyalogo sa pagitan ng LTFRB at transport groups? Were there substantial efforts to reach out to the drivers and operators to help them get into the program?” tanong ni Poe.
Gusto ring malaman ni Poe kung napagaan ng gobyerno ang pautang at iba pang financial aspect ng programa.
“Umaasa tayo na ipalalabas ng LTFRB bago sumapit ang deadline ang listahan ng bagong ruta at walang consolidated jeepneys,” ani Poe.
“Hindi natin dapat iwanan ang commuter na nagkukumahog maghanap ng masasakyan partikular sa gitna ng matinding init ng panahon,” giit pa niya.
Kasabay nito, positibo naman ang pananaw ni Poe sa pinal na hatol ng Supreme Court hinggil sa apela ng transport groups habang papalapit ang implementasyon ng PUV modernization program.
“Malaki ang maitutulong nito upang malinawan ang kinauukulang ahensiya sa landas na dapat tahakin sa sinasabing modernisasyon ng ating jeepney,” ani Poe. Ernie Reyes