Home METRO 2 Tsino binitbit sa panunuhol, illegal firearms sa Taguig

2 Tsino binitbit sa panunuhol, illegal firearms sa Taguig

Arestado ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang Chinese nationals matapos madiskubre sa ikinasang operasyon ang mga matataas na kalibre ng baril at mamahaling sasakyan sa kanilang bahay sa eksklusibong subdibisyon sa Taguig.

Sinabi ni NCRPO chief Police Major General Jose Melencio Nartatez na naganap ang pag-raid sa bahay ng mga Chibese nationals makaraang makatanggap ang NCRPO ng impormasyon tungkol sa pag-iimbak ng mga matataas na kalibre ng baril sa bahay ng mga suspects.

Makaraang makuha ang impormasyon ay agad na nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng NCRPO sa townhouse na tinutukuyan ng mga suspects kung saan nakarekober ang mga ito ng matataas na kalibre ng baril, bala, helmet na may tatak na “China”, tactical vest, at bandila ng China.

Bukod sa mga baril ay narekober din sa mga suspects ang ang mga mamahaling sasakyan kabilang na ang isang McLaren sports car na nagkakahalaga ng P15 hanggang P30 milyon.

“Firearms na high-powered, complete with protective gears, bullet (proof) vest, ballistic helmet, pandigma ito eh mga armas. Is he a gun lover? Ano yung personality niya?” ani Nartatez.

“Nakakuha tayo ng luxury cars, merong electric car at McLaren, worth P15 to P30 million. Napakamahal, saan sila kukuha nun? We are questioning this kasi walang documents napakita. We will be coordinating Customs and concerned agencies,” ani pa ng NCRPO chief.

Samantala, inaresto rin ang isa pang Chinese national makaraang tangkain nito na suhulan ang mga umaresto sa mga suspects.

Dagdag pa ni Nartatez na kanyang ipinag-utos ang pagsasagawa ng follow-up operation upang matukoy pa ang iba pang suspects na kasabwat ng mga nahuling Chinese nationals. (James I. Catapusan)