ILOILO CITY-BALIK selda ang dalawang notoryus na tulak ng iligal na droga matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang buy bust operation at nakuhanan ng P1-milyon halaga ng shabu nitong Sabado, Marso 8 sa bayan ng Janiuay.
Sa report ng Iloilo Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit pinangunahan ni Police Major Dadje Delima, kinilala ang mga suspek na sina alyas Nok-Nok, 43, at Bot-Bot, 26, kapwa residente ng Barangay Bakhaw , at kilalang mga tulak ng shabu sa iba’t ibang lugar sa Iloilo City.
Nakuha sa mga suspek ang 155 gramo ng shabu matapos silang isailalim sa tatlong linggong monitoring.
Ayon sa pulisya, dati na rin nadakip ang mga suspek sa kaparehong kaso at nakalabas ng kulungan matapos maghain ng plea bargain.
Pansamantalang lumipat sa Barangay Caranas, Janiuay nang makalaya at muling bumalik sa kanilang iligal na aktibidad.
Inatasan naman ni Police Regional Office-6 chief Police Brig. Gen. Jack Wanky ang IPPO-PDEU na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para matunton ang iba pang kasabwat ng mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs.
Pinasalamatan naman ng IPPO sa pangunguna ni Col. Bayani Razalan ang mga residente na nagbigay impormasyon hinggil sa iligal na gawain ng mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito. Mary Anne Sapico