MANILA, Philippines – Tutulong na rin ang Department of Justice sa pagbusisi ng anumang kahilingan na magmumula sa Interpol kaugnay sa arrest warrant na inilabas ng ICC laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na trabaho ito ng National Central Bureau
(NCB) ngunit dahil itinuturing na ito na “national significance”, makikipagtulungan na rin ang kagawaran.
Ipinaliwanag ni Clavano na sa gagawing pagsusuri ay titingnan kung kumpleto ang mga dokumento mula sa Interpol at kung balido ang kahilingan.
Iginiit ni Clavano, hindi maaaring isantabi ng Pilipinas ang anumang kahilingan mula sa Interpol dahil nakatali ang bansa sa isang kasunduan katuwang ang nasabing organisasyon.
Pero sa ngayon, kagaya ng naunang sinabi ng Malacañang, wala pa silang natatanggap na abiso tungkol sa arrest warrant ng ICC laban sa dating pangulo. TERESA TAVARES