Home METRO 2 tulak ng iligal na drog timbog sa Valenzuela drug ops, P140K...

2 tulak ng iligal na drog timbog sa Valenzuela drug ops, P140K droga nasamsam

MANILA, Philippines – KULUNGAN ang bagsak ng dalawang kelot na di-umanoy tulak ng iligal na droga matapos na madakip ng mga awtoridad makaraan magsagawa ng magkahiwalay na buy-bust operation laban sa mga suspek sa Valenzuela City.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang suspek na kinilalang si Danielle Francisco y Dayao, tricycle driver, 40, residente ng no. 92 Ibaba St., Bignay ng nasabing lungsod.

Bandang alas-9:00 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation laban sa suspek sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo sa harapan ng Happy Go Mall, Ibaba St., Bignay, Valenzuela City.

Ayon kay PSSg Ana Liza Antonio may hawak ng kaso, isang undercover na pulis ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek at makabili ng iligal na droga at nang ibigay na ni Francisco ang binili na droga ng poseur buyer agad itong inaresto ng iba pang operatiba na nakapaligid sa nasabing lugar.

Narekober sa suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu at tinatayang nasa P68,000 ang halaga, isang genuine P500 peso bill kasama 8 pirasong P1,000 pesos boodle money, P50 pesos at Vivo cellphone.

Samantala, bandang ala-1:40 ng hapon ng magsagawa rin ang kabilang team ng SDEU na nagresulta sa pagkakadakip kay Amado Erquiza Jr y Rosario alyas “Jun”, 48 ng Area-6, Barangay Maysan ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay PSSg Carlos Erasquin Jr, narekober sa suspek ang 14 na pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang nasa 12 gramo at tinatayang nasa P81,600 ang halaga, P300 pesos buy-bust money, P400 pesos, brown eyeglasses case at Nokia keypad cellphone.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa violation of Section 5 and 11 under Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutors Office. R.A Marquez