MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City police ang dalawang drug suspek na nakumpiskahan ng 250 gramo ng high-grade marijuana o “kush” na nagkakahalaga ng ₱375,000 sa Parañaque City Linggo ng madaling araw, Agosto 23.
Kinilala ng Parañaque City police ang mga nadakip na suspek na sina alyas Paul, 24, residente ng Barangay Moonwalk, Parañaque City, at isang alyas Mikko, 24, ng Barangay San Isidro, Parañaque City.
Base sa natanggap na report ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco, matagumpay na naisagaawa ng mga tauhan ng SDEU ang kanilang operasyon na nagdulot ng pagkakadakip ng mga suspek bandang alas 3:20 ng madaling araw sa isang bahay sa Daang Batang Street, Barangay Moonwalk.
Isang pulis na umaktong poseur-buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspek para sa pag-iskor ng hinihinalang kush, dahilan upang agad umaksyon ang mga back-up operatiba at arestuhin ang dalawa.
Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang ilang sachet at plastic bag na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana kush na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 250 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱375,000.
Narekober din ang ₱1,000 marked money na ginamit sa buy-bust operation, isang smartphone, at eco bag na ginamit sa paglalagay ng mga ilegal na droga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si alyas Paul habang si alyas Mikko naman sasampahan ng kaso sa ilalim ng Section 5 (Sale) sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni Cinco ang mga operatiba ng Parañaque City police dahil sa mabilis at matagumpay na operasyon habang binigyang-diin nito na patuloy na magiging masigasig ang SPD sa pagsugpo sa distribusyon ng ilegal na droga, kabilang ang high-grade marijuana, upang maprotektahan ang mga komunidad sa buong Southern Metro Manila. James I. Catapusan