ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Dalawang lalaki ang namatay habang dalawa ang sugatan matapos sumabog ang isang dinamita sa loob ng isang bahay sa Barangay Tulay ng Jolo, Sulu, Sabado ng gabi (Nov 22).
Kinilala ng lokal na pulisya ng Jolo ang mga nasawi na sina Abdul Tiri Basang, 70, at Indal Pascual, 40.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagtitipon umano ang dalawa ng mga dinamita sa loob ng tahanan ni Pascual para sa pangingisda. Hindi nila inaasahan na sasabog ang isa sa mga device.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang sanhi ng biglaang pagsabog.
Ang isa sa mga nasaktan ay kinilalang si Tulli Mislani, 40-anyos na mangingisda, na may kasamang isang babaeng hindi pa nakikilala, ay nagkataong malapit sa lugar nang mangyari ang pagsabog.
Isinugod sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) -Sulu ang babaeng biktima para sa agarang atensyong medikal.
Sinabi ng Jolo police na nakipag-ugnayan na sila sa Sulu Forensic Unit para sa pagproseso ng crime scene.
Iniutos ni Jolo Mayor Hji. Edsir Tan sa mga municipal disaster response officials na panatilihin ang malapit na koordinasyon sa lahat ng mga ahensyang tumutugon upang matiyak ang napapanahong mga update at upang matukoy ang anumang karagdagang suporta na kailangan para sa mga apektado. RNT/MND