Home NATIONWIDE PNP: Zero tolerance vs abuse, misconduct na sumisira sa tiwala ng publiko

PNP: Zero tolerance vs abuse, misconduct na sumisira sa tiwala ng publiko

285
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) noong Linggo na hindi nito kinukunsinti ang pang-aabuso, maling pag-uugali, at iba pang aksyon na sumisira sa tiwala ng publiko at magpapataw ito ng “swift and appropriate consequences” laban sa mga nagkamaling pulis.

Inilabas ng PNP ang paalala sa gitna ng mga ulat na 14 na pulis ang umano’y sangkot sa panggagahasa sa isang 18-anyos na babae sa Cavite.

Sa isang pahayag sa Facebook page nito, sinabi ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang organisasyon ng pulisya ay nakatuon sa pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng disiplina, integridad, at propesyonalismo.

“The organization maintains zero tolerance for abuse, misconduct, or any action that undermines public trust. Personnel who perform with dedication, honesty, and honor will be duly recognized and rewarded,” saad ni Nartatez.

“Conversely, those who deviate from these standards will face swift and appropriate consequences under the law,” dagdag niya.

Pinaalala niya sa mga unit commander at heads ng mga opisina “to exercise vigilant leadership.”

“Supervise your personnel closely, provide guidance and mentorship, correct misconduct, and ensure that discipline and integrity are upheld in every unit. True leadership means recognizing excellence and addressing lapses without hesitation,” ayon kay Nartatez.

Sinabi din ng PNP acting chief sa mga police personnel na ang kanilang uniporme “represents Service, Honor, and Justice, and it is a privilege that comes with great responsibility.”

“The PNP remains steadfast in its duty to serve the public, protect communities, and maintain the trust and confidence of the Filipino people through transparent, responsible, and principled action,” dagdag ni Nartatez.

Ang paalala ng PNP ay matapos maaresto ang walong pulis dahil sa panggagahasa umano sa isang babae sa Cavite.

Ayon sa ulat, sangkot umano sa krimen ang 14 na pulis, na may anim na hinahanap pa. Kakasuhan ang mga pulis ng rape at robbery in band.

Sinabi sa ulat na nagpakilalang mga pulis ang mga suspek sa biktima at pilit na pinasok ang bahay ng biktima, kinuha ang mga alahas at cellphone ng biktima. Iginiit din ng biktima na ikinulong siya ng mga suspek sa bahay at pagkatapos ay sekswal na inabuso.

Walong pulis ang arestado sa follow-up operation, na narekober sa kanila ang cellphone at motorsiklo ng biktima. Nasamsam din sa mga naarestong pulis ang hinihinalang iligal na droga, gayundin ang mga baril at bala ng iba’t ibang kalibre.

Sinabi ng Police Regional Office (PRO) IV-A ng PNP na ang mga suspek ay nakatalaga sa Police Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit (SOU) 4A ng PNP. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here