MANILA, Philippines – Nahaharap sa reklamong alarm and scandal ang dalawang content creator sa Cabadbaran City matapos na gumawa ng isang ‘public stunt’ na nakaabala sa ibang mga residente at nakompromiso pa ang seguridad ng publiko.
Sa pahayag nitong Lunes, Abril 21, idinetalye ng Cabadbaran City Police Station kung paano nakaabala sa daloy ng trapiko ng mga residente at ng mga biyahero ang ginawa ng dalawang content creator.
Noong Abril 19, inilagay ng mga vlogger na sina Johnreil Alibio at Elton Wen Lara ang isang toilet bowl sa gitna ng intersection sa Barangay Mabini na dahilan para maabala ang mga motorista.
Matapos na ilagay ang inidoro sa gitna ng kalsada ay umupo pa si Alibio nang nakahubad sa loob ng ilang minuto habang vini-video naman ito ni Lara.
Kalaunan ay inilabas ang content sa kanilang social media page na “CBR BOYS.”
Agad na naaresto ang dalawang vlogger nitong gabi ng Sabado na ngayon ay nahaharap sa reklamo.
“We fully respect the right to freedom of expression and support the responsible use of social media platforms,” ayon sa Cabadbaran police. RNT/JGC