MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng Caloocan Regional Trial Court na tatlong life imprisonment laban sa Caloocan Police na si PO1 Jefrey Perez sa kasong pagpatay kina Carl Arnaiz at Reynaldo “alyas kulot” De Guzman noong kasagsagan ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa 50 pahinang desisyon ng CA 2nd division na pinonente ni Justice Eduardo Ramos, hindi mababali ang ebidensya na inihain laban kay Perez sa Caloocan RTC para sa pagtatanim ng ebidensyang iligal na droga at pagbaril sa estudyante na si Carl Arnaiz.
Ibinasura ng CA ang apela ni PO1 Perez.
Kaugnay ito sa kasong pagtorture sa UP student na si Arnaiz, pinatawan siya ng pagkakakulong ng hanggang apat na taon at pinagbabayad siya ng kabuuang P100,000 na danyos.
Sa kaparehong kasong torture at pagpatay naman kay Kulot de Guzman, reclusion perpetua ang hatol at pinagbabayad ng kabuuang P150,000.
Sa mga kasong pagtatanim ng ebidensyang iligal na droga kay Arnaiz, pinatawan ng CA si Perez at kasama niyang police na si PO1 Ricky Arquilita ng dalawang life imprisonment habang reclusion perpetua naman ang pagpatay at pagtatanim ng ebidensyang baril kay Arnaiz.
Sina Arnaiz at De Guzman ay nawala noong Agosto 18, 2017 at natagpuan na lang sa punerarya sa Caloocan si Arnaiz makalipas ang sampung araw habang sa Gapan, Nueva Ecija natunton noong Setyembre 6, 2017 ang bangkay ni Kulot na tadtad ng saksak. Teresa Tavares