LAGUNA – Nasawi ang isang 20-anyos na Indian national matapos mahagip at makaladkad ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa San Pablo City, Laguna.
Ayon sa impormasyon mula kay PNR General Manager Leo Miranda, galing Lucena, Quezon ang tren at patungong Calamba, Laguna nang mangyari ang insidente nitong Martes ng umaga.
Nanggaling umano sa isang tindahan ang biktima at may suot na helmet nang tumawid o mapalapit sa riles.
Hindi umano nito napansin ang paparating na tren.
Sinabi ng PNR na mabagal na ang takbo ng tren ngunit dahil malapit sa riles ang tindahan, nahagip pa rin ang biktima.
Nakaladkad siya nang ilang metro at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Sumuko naman sa pulisya sa Calamba ang PNR personnel na sangkot sa insidente.
Tiniyak ng PNR na magbibigay ito ng kinakailangang tulong sa pamilya ng biktima, gayundin sa kanilang tauhang sangkot sa aksidente.
Patuloy na iniimbestigahan ang buong pangyayari. Mary Anne Sapico