Home HOME BANNER STORY Lamang ni Sara kay Leni lumiit sa 7 puntos sa 2028 matchup...

Lamang ni Sara kay Leni lumiit sa 7 puntos sa 2028 matchup — OCTA

3
0

MANILA, Philippines – Lumiit sa pitong percentage points ang lamang ni Vice President Sara Duterte kay dating Vice President Leni Robredo sa hypothetical one-on-one presidential matchup para sa 2028 elections, batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.

Sa third-quarter 2026 Tugon ng Masa survey, nakakuha si Duterte ng 40% habang 33% naman kay Robredo.

Samantala, 26% ng respondents ang undecided, pumili ng neither candidate o nagsabing hindi nila alam kung sino ang susuportahan, habang 1% ang tumangging sumagot.

Ayon sa OCTA, ito na ang pinakamaliit na agwat na naitala sa pagitan ng dalawa sa tatlong survey waves ngayong taon.

Mula sa 11-point gap noong first quarter, bumaba ito sa siyam na puntos noong second quarter at pitong puntos ngayong third quarter.

Gayunman, sinabi ng OCTA na nananatiling lampas sa ±3 percentage-point margin of error ang pitong puntos na pagitan nina Duterte at Robredo.

Mula second hanggang third quarter, bumaba ang preference kay Duterte mula 43% patungong 40%, habang bahagyang bumaba rin kay Robredo mula 34% patungong 33%.

Tumaas naman mula 22% hanggang 26% ang undecided, neither at don’t-know group.

Sa geographic areas, nanguna si Robredo sa National Capital Region sa 39% kumpara sa 32% ni Duterte.

Mas malaki ang kaniyang lamang sa Balance Luzon kung saan nakakuha siya ng 49% laban sa 24% ni Duterte.

Sa Visayas, nakakuha si Duterte ng 46% laban sa 27% ni Robredo.

Pinakamataas naman ang preference kay Duterte sa Mindanao sa 71% kumpara sa 2% ni Robredo.

Sa socioeconomic classes, nanguna si Robredo sa Class ABC sa 40% laban sa 32%, habang si Duterte naman ang nanguna sa Class D sa 41% kumpara sa 31%.

Sa Class E, statistically tied ang dalawa, kung saan nakakuha si Robredo ng 42% at Duterte ng 41%.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents edad 18 pataas.

May ±3% margin of error ang survey sa 95% confidence level. Kinumpirma rin ng OCTA na pareho ang fieldwork dates, sample size at methodology na ginamit sa Q3 Tugon ng Masa survey.

Binigyang-diin ng OCTA na maaaring nagpapakita ang tatlong survey waves ng paghina sa preference kay Duterte at paglaki ng uncommitted bloc, ngunit kailangan pa ng mga susunod na survey upang malaman kung magpapatuloy ang naturang pattern.

Ang resulta ay snapshot lamang ng voter preference sa panahon ng survey at hindi dapat ituring na prediction ng magiging resulta ng 2028 elections. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here