MANILA, Philippines – Nais ng International Criminal Court (ICC) prosecutors na tanggapin bilang ebidensya ang mga naunang naitalang testimonya ng apat na testigo na umano’y magpapakita ng pattern ng mga pagpatay at pagtatangkang itago o bigyang-katwiran ang mga ito sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa ikaanim na application ng prosecution sa ilalim ng Rule 68(3), hiniling nitong maisama sa trial record ang prior recorded testimonies ng mga testigong kinilalang P-1136, P-1345, P-1391 at P-1404. Kinumpirma ng ICC court records na inilabas sa publiko ang naturang filing noong Nobyembre 2.
Partikular na sinabi ng prosecution na ang testimony ni P-1391 ay tumatalakay sa paggamit ng drug watchlists at sa umano’y mga “fabricated” na salaysay ng Philippine National Police tungkol sa ilang drug war killings.
Ayon pa sa prosecutors, tatalakayin ng naturang witness ang umano’y paggamit ng paid assets ng mga pulis sa pagsasagawa ng pagpatay at mga reward na sinasabing natatanggap ng ilang PNP personnel bilang insentibo.
Samantala, ang testimony ni P-1345 ay may kinalaman umano sa pattern ng mga pagpatay sa “One Time Big Time” police operations sa Maynila.
Sinabi ng prosecution na sinuri ng witness ang siyam na kaso ng pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa droga at umano’y natukoy ang pattern ng pagtatanim ng shabu at baril malapit sa mga bangkay ng mga napatay.
Ang testimony naman ni P-1136 ay may kaugnayan sa umano’y pag-target sa mga local official na itinuturing na “high-value targets” dahil sa hinihinalang pagkakasangkot sa illegal drugs.
Samantala, tatalakayin ni P-1404 ang paggamit ng iba’t ibang drug watchlists mula sa PDEA, barangay, PNP at presidential lists, gayundin ang umano’y buwanang pagsusumite ng updated watchlists ng mga barangay.
Kasama rin sa testimony ang mga pangyayari matapos ang pagkamatay ni Kian delos Santos at ang mga ulat kung saan ang ilang killings ay umano’y inilalagay bilang police “accomplishments.”
Iginiit ng prosecution na makatutulong ang apat na witness upang patunayan ang kanilang alegasyon na may polisiya ng “neutralisation” laban sa mga hinihinalang kriminal at na ang mga krimeng kaugnay ng drug war ay umano’y laganap at sistematiko.
Sa ilalim ng hinihinging proseso, hindi nangangahulugan na hindi na haharap sa korte ang apat na testigo.
Kapag pinayagan ng Trial Chamber III, tatanggapin ang kanilang naunang recorded statements ngunit haharap pa rin sila para sa supplementary questioning at maaari pa rin silang i-cross-examine ng defense ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa prosecution, bababa mula tinatayang 16 oras tungo sa apat na oras ang kabuuang direct examination ng apat na witness kung papayagan ang application.
May hiwalay ding filing ang prosecution para sa prior recorded testimonies ng tatlong iba pang witness na inaasahang tatalakay sa umano’y Davao Death Squad, pag-target sa suspected criminals at sinasabing papel ni Duterte sa mga pagpatay. Kinumpirma ng ICC docket na ang naturang application ay inilabas sa publiko noong Nobyembre 3.
Nauna nang tinutulan ng defense camp ni Duterte ang paggamit ng ilang prior recorded testimonies at iginiit na mahalaga ang aktuwal na pagharap at cross-examination sa mga witness na sentral sa kaso.
Nakatakdang magsimula ang trial ni Duterte sa Nobyembre 30, 2026 sa ICC Trial Chamber III sa The Hague.
Nahaharap ang dating pangulo sa tatlong counts ng crimes against humanity of murder at attempted murder kaugnay ng mga alegadong pagpatay sa Davao City at sa war on drugs noong kaniyang administrasyon. Ayon sa ICC, kailangang mapatunayan ng prosecution ang mga kaso beyond reasonable doubt bago magkaroon ng conviction.