RIZAL, Philippines – Isang 23-anyos na magsasaka ang aksidenteng nabaril at napatay ang kanyang 20-anyos na kinakasama sa Barangay Mamuyao, Tanay, Rizal, ayon sa Rizal Police Provincial Office nitong Marso 30.
Ayon sa imbestigasyon, papunta sana ang dalawa sa Sitio Natad upang mag-ani ng niyog nang mangyari ang insidente.
Bago umalis, kinuha ng suspek na may alyas “Enrico” ang kanyang air gun na kayang magpaputok ng .22 caliber cartridges, na umano’y ginagamit niya sa panghuhuli ng paniki.
Habang hinahawakan niya ang baril, aksidenteng pumutok ito at tinamaan ang biktima na may alyas “Weng.”
Agad niyang dinala ang babae sa kanyang kapatid sa parehong barangay upang humingi ng tulong sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Inaresto ng mga rumespondeng pulis si Enrico at kinumpiska ang baril at mga bala.
Mahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa Republic Act No. 10591. RNT/MND